Pormal nang inilunsad ng House of Representatives ang pag-upo ng Pilipinas bilang Pangulo ng 47th ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) para sa 2026.
Nanawagan si Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa mga lehislatura ng Timog-Silangang Asya na maghatid ng malinaw na resulta, transparent na proseso, at mga batas na direktang nagpapabuti sa buhay ng mamamayan.
Sa kanyang talumpati, iginiit ni Speaker Dy na ang tema ng AIPA 2026 na “Parliaments Securing a Peaceful, Prosperous, and People-Centered ASEAN” ay nakatuon sa pagbuo ng tiwala ng publiko sa pamamagitan ng maaasahang batas at epektibong pamumuno. Aniya, ang kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon ay nakasalalay sa kooperasyon, dayalogo, at rule of law.
Binigyang-diin din ni Dy ang kahalagahan ng parliamentary diplomacy sa pagtugon sa mga hamon tulad ng seguridad sa dagat, transnational crime, cyber threats, at disinformation, gayundin ang pagsusulong ng inklusibong kaunlaran na nakikinabang ang ordinaryong mamamayan.
Pormal na inako ng Pilipinas ang AIPA Presidency noong Setyembre 20, 2025, at magtatapos ito sa idaraos na 47th AIPA General Assembly sa Metro Manila sa Oktubre 2026.
Ito ang ikapitong beses na pagho-host ng bansa sa AIPA mula nang itatag ito noong 1977.










