-- Advertisements --

Hinamon ng Malakanyang si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na ilahad kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang kaniyang mga nalalamang impormasyon kaugnay sa flood control projects anomaly na kinasasangkutan na ilang kongresista at senador.

Tila kasi maraming alam si Mayor Magalong hinggil sa nasabing kontrobersiya kaya mas mainam na tulungan nito ang gobyerno sa ikinakasang imbestigasyon.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro maiging pangalanan ni Mayor Magalong ang mga kongresista, senador na mga kontratista ng sa gayon agad agad na makasuhan ang mga ito lalo na kung may sapat na ebidensiya.

Wala namang nakikitang pangangailangan ang Malakanyang na magtalaga ng probe team para manguna sa pag-imbestiga sa iregularidad sa flood control projects.

Sinabi ni Castro mayruon na kasing inilatag na mekanismo at sistema ang pangulo kung paano gugulong ang pagsisiyasat habang may una na ding direktiba ang Presidente sa regional project monitoring committee.

Sa kabilang dako, hindi pabor si House majority leader Sandro Marcos na ang Kamara ang manguna sa pag imbestiga sa mga kapwa mambabatas na sangkot sa maanomalyang flood control projects.