-- Advertisements --

Hinimok ng kampo ng mga biktima ng illegal drugs war ang mga Pilipino na suportahan ang kanilang kampaniya para mabigyan ng hustisiya ang libu-libong napatay sa ngalan ng kampaniya kontra iligal na droga.

Sa isang pahayag na inilabas nina Atty. Joel Butuyan at Atty. Gilbert Andres, na kapwa legal representatives ng mga biktima, tinukoy ng mga ito bilang isang tagumpay para sa international criminal justice ang isang-taong pagkaka-huli at tuluyang pagsurrender ng PH government kay dating Pang. Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Nakasaad din sa pahayag ng mga abogado na sa kabila ng libu-libong nasawi sa anti-drug campaign ng nakalipas na administrasyon ay hindi sumailalim sa criminal investigation ang dating pangulo, kahit pa ang krimen na ini-aakusa sa kaniya (crimes against humanity) ay maaaring usigin sa ilalim ng batas ng Pilipinas.

Ito ang dahilan, ayon sa grupo, kaya’t tuluyan nang pumasok ang ICC sa Pilipinas – para mapigilang lumaganap ang international crime nang hindi napaparusahan ang mga gumagawa nito.

Binalikan din ng mga abogado ang nangyari sa mga kaanak ng kanilang mga kliyente na na pinatay nang hindi man lamang dumadaan sa trial habang si Duterte ay napagkakalooban pa rin ng trial sa ilalim ng international law.

Giit ng dalawang batikang abogado, habang nabibisita at nakakausap pa ng pamilya Duterte ang dating pangulo, tanging sa sementeryo lamang makakapunta ang kanilang mga kliyente, kung saan nakalibing ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay. (report by Bombo Genesis)