-- Advertisements --

Kinuwestyon ni Sen. Kiko Pangilinan kung paanong nailabas ang daan-daang milyong halaga ng cash mula sa banko sa loob lamang ng dalawang araw.

Ito ay kasunod ng pagdalo ni Landbank Malolos Head Ma. Lilibeth Lim sa Senate hearing ukol sa flood control scandal.

Ipinunto ni Pangilinan ang pagkaka-withdraw ni SYMS Construction owner Sally Santos sa halagang P457 million sa loob lamang ng dalawang araw.

Tanong ng Senador kay Lim, hindi ba nagtaka ang bank management bakit cash ang kinuha, at kung paano nakakapagwithdraw ang naturang contractor ng hanggang P457 million?

Sagot naman ni Lim, hindi na umano siya nagtaka o nag-iisip ng negatibo dahil ang funding ay nagmula naman sa gobiyerno at sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Kampante aniya ang banko na ito ay mapupunta sa government project kaya’t hindi na kinuwestiyon ang daan-daang milyong halaga ng withdrawal.

Ang Syms Construction ang itinuturong may proyekto sa mga natukoy na ghost project sa Bulacan.

Batay sa impormasyong lumabas sa mga naunang pagdinig, hinihiram umano nina dating DPWH engineer Henry Alcantara at Brice Hernandez ang lisensiya ng Syms at ginagamit ito sa mga kunwaring bidding.

Pinaghahati-hatian din umano ng mga ito ang naiiwang porsyento, kapag naibigay na ang kanilang ‘obligasyon’ sa mga mambabatas na nagsisilbing proponent sa mga naturang proyekto.