Inusisa ni Sen. Rodante Marcoleta kung bakit hindi nabasa o binasa ng bilyonarong contractor na si Curlee Discaya ang isang paragraph sa kaniyang affidavit kung saan nakasaad ang ilang isyu sa DPWH – Ilocos Region.
Nagtataka ang Senador kung bakit hindi ito naisali sa opisyal na binasa ni Discaya sa nakalipas na mga pagdinig, gayong kontrobersyal din ang nilalaman nito.
Tanong ni Marcoleta kay Curlee, sinadya ba niyang laktawan ang nilalaman ng affidavit dahil sa sensitibo ang mga nakapaloob na impormasyon dito?
Ayon naman kay Curlee, posibleng nagkamali lang siya o nalaktawan ang naturang parirala kaya’t hindi ito naisali sa kaniyang binasang testimoniya.
Paliwanag ng contractor na posibleng nalaktawan lamang niya ito dahil pinatigil siya sa pagbabasa noon at noong ipinagpatuloy niya binasa ang affidavit ay posibleng hindi na niya ito napansin.
Giit ni Marcoleta, mahalaga sana ito, lalo at nais din niyang irekomenda na ipatawag si dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson sa pagdinig ng Senado.
Kung babalikan ay una nang sinabi ni Singson na dapat simulan sa Ilocos Sur ang imbestigasyon sa flood control scandal, lalo na at mayroon ding proyekto doon ang mag-asawang Discaya.