-- Advertisements --

Nagsumite ang abogado ni Pastor Apollo Quiboloy ng rejoinder affidavit sa Department of Justice (DOJ) kaugnay sa obstruction of justice complaint na inihain ng Philippine National Police (PNP) laban sa kaniya.

Ang rejoinder affidavit ay isang legal document na isinumite ng respondent o defendant para sagutin ang panibagong isyung idinulog ng complainant.

May kinalaman ang naturang reklamo sa pagsisilbi noon ng warrant of arrest laban kay Quiboloy sa loob ng compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) nang pasukin ito ng PNP Criminal Investigation and Detection Group sa Region 11 na pinamunuan noon ni dating PNP chief Nicolas Torre III.

Ipinaliwanag ni Atty. Torreon sa pagsusumite ng kaniyang rejoinder affidavit na sa ilalim ng Section 11, Rule 113 ng Rules of Court, kailangang naka-specify sa warrant of arrest ang address ng gusaling papasukin at iginiit na dapat ay mayroong probable cause.

Tumanggi naman ang abogado na idetalye pa ang nilalaman ng rejoinder affidavit.

Matatandan noong nakalipas na buwan, naghain si Atty. Torreon ng counter-affidavit at nanindigan na hindi dapat siyang kasuhan ng obstruction of justice dahil umakto lamang siya bilang legal counsel ni Quiboloy.