-- Advertisements --

Plano ni Kalayaan Vice Mayor Maurice Philip Albayda na personal na magtungo sa Metro Manila sa susunod na linggo upang isumite ang resolution na kumokondena at humihiling na burahin ang pahayag ni Senator Rodante Marcoleta na pagsuko sa Kalayaan Island Group (KIG).

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, kinumpirma ni Vice Mayor Albayda na inaprubahan “unanimously” ng lahat ng miyembro ng Sangguniang Bayan ng Kalayaan ang naturang resolution.

Ipinaliwanag ng lokal na opisyal na layunin ng kanilang naging hakbang na mapreserba ang dignidad at integridad ng kanilang bayan.

Ayon sa Bise Alkalde, maliban sa Commission on Appointments (CA) magsusumite rin siya ng kopiya ng resolution sa opisina ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

Matatandaan, sa kasagsagan ng pagdinig ng Commission on Appointments sa Senado noong Pebrero 4, binitawan ni Senator Marcoleta ang kontrobersiyal na pahayag na isuko na lamang ang KIG dahil hindi naman umano ito saklaw ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Subalit, sa panayam ng Bombo Radyo, pinalagan ito ni Kalayaan Vice Mayor Albayda at iginiit na walang kinalaman ang exclusive economic zone sa territorial integrity dahil magkaibang usapin ito. Paliwanag ng local official na ang EEZ ay isang maritime rights habang ang Kalayaan Island Group ay mas nakapukol sa territorial integrity.

Pinagtitibay din ng Kalayaan local government ang declaration na kinilala ng United Nations na kung sino ang nakaupo ay siya ang may-ari o claimant.