Nakatakdang isumite para sa resolution ang ilang kaso kaugnay sa flood control projects sa susunod na linggo ayon kay Prosecutor-General Richard Fadullon.
Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, Enero 17, sinabi ng Prosecutor-General na kabilang sa mga kasong nakatakdang isumite para sa resolution sa Department of Justice (DOJ) ay may kaugnayan sa mga kompaniyang SYMS Construction at Topnotch Catalyst Builders Inc.
Matatandaang inihain ang mga reklamo laban sa dalawang construction firms noong unang bahagi ng Disyembre ng nakalipas na taon.
Ipinaliwanag naman ng Prosecutor General kung bakit hindi kasama sa resolution ang iba pang kaso. Aniya, ito ay dahil magkakaiba ang petsa kung kailan inihain ang mga kaso sa kagawaran. Ilan din aniya sa mga kaso ay isinumite sa Office of the Ombudsman para sa potensiyal na pagsasampa sa Sandiganbayan.
Bukod dito, patuloy din ang pagkalap ng National Bureau of Investigation (NBI) at Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng mga ebidensiya sa iba pang mga kaso.
Nilinaw din ng Prosecutor General na maingat silang nagiimbestiga base sa ebidensiya at hindi base lamang sa mga narinig na malalaking halaga ng pera na nabanggit sa mga pagdinig sa Kongreso. Sinabi din ni Fadullon na maaaring mabasura kung mamadaliin ang pagsasampa ng kaso, bagay na iniiwasan aniya nilang mangyari.
Kayat ang pinakamainam aniyang gawin ay ang pagkalap ng lahat ng kinakailangang ebidensiya at gawing matibay ang kaso.
Ang susunod na hakbang ngayon ay ang pagtukoy sa hurisdiksiyon ng mga kaso kung ang mga ito ay ihahain sa Regional Trial Court o sa Sandiganbayan.
















