-- Advertisements --

Ikinalungkot ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ang pagkakasangkot ng ilan kasamahan sa Senado sa multibillion-peso flood control scandal.

Gayunpaman, nanindigan ang senador na magpapatuloy pa rin ang imbestigasyon, saanman aniya dalhin ng ebidensiya ang pagsisiyasat ng komite.

Dahil din sa pagkakadawit ng ilang senador, mahalaga aniyang mapanatili ang integridad at pagiging patas ng imbestigasyon at masigurong walang pinoprotektahan o tinatarget na personalidad.

Kailangan din aniyang mabigyan ang bawat senador na miyembro ng komite ng pare-parehong oras at sapat na panahon, lalo na ang mga aktibong nakikibahagi sa bawat pagdinig.

Aminado ang batikang senador na malaking hamon ang kasalukuyang kinakaharap na sitwasyon, lalo na sa mga aktibong committe member ngunit kailangan aniyang magpatuloy ang mga hearing at sundan ang direksyon na itinuturo ng ebidensiya.

Giit ng dating Philippine National Police (PNP) Director, kung mag-iimbestiga lamang para pagtakpan ang ilang personalidad, ay mas nakabubuting huwag nang magpatuloy.

Mananatili rin aniyang gabay ng mataas na kapulungan ang pagnanais nitong makagawa ng mga panukalang batas (in aid of legislation) para mapigilang hindi na muli mangyari ang kahalintulad na iskandalo sa hinaharap.