-- Advertisements --

Nanindigan si Senate Deputy Minority Leader Sen. Risa Hontiveros na mayroong malinaw na legal basis at sapat na katwiran ang Pilipinas upang isuko si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy sa Estados Unidos.

Ayon sa senador, Kahit na may kasalukuyang hinaharap na kaso si Quiboloy sa Pilipinas ay maaari pa rin siyang dalhin sa US upang harapin muna ang mga kaso niya sa Estados Unidos at tsaka ibalik sa Pilipinas para naman panagutin siya sa kaniyang mga nagawang krimen sa bansa.

Dagdag pa ni Hontiveros, mayroon ding mga nagging biktima ang pastor sa US na siyang matagal na rin aniyang naghihintay ng hustisya at hindi rin umano tama na patagalin pa ang kanilang mga ipinalalaban dahil isa lamang itong pag-delay sa hustisya na nais makamtan ng mga biktima.

Ang pagsangayon din ng pamahalaan sa isang temporary surrender ay aniya’y isang paraan ng pagtulong sa mga biktima sa Amerika habang sinisuguro na hindi mawawala ang mga kasong kinakaharap ng pastor sa Pilipinas.

Samantala, binigyang diin naman ni Hontiveros kung paanong sinusubukan ni Quiboloy na gamitin ang kaniyang impluwensiya at pera para makaiwas sa kaniyang paglilitis.

Sa kabila nito ay wala pa umanong pormal na extradition request na natatanggap ang Department of Justice (DOJ) mula sa US Embassy.