Pinasinungalingan at itinanggi ni dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang mga alegasyon at pagkakadawit niya sa mgamaanmlayang flood control projects matapos na kumpirmahin ng Department of Justice (DOJ) na siya ay isa sa mga respondents sa mga reklamong may kaugnayan sa mga proyekto.
Ani Revilla, ang mga naratibong ipinupukol sa kaniya ay pawang mga kasinungalingan lamang aniya at hindi dapat umano itong paniwalaan.
Kasunod nito, tinawag din ni Revilla ang sarili bilang isang ‘easy target’ para guluhin ang katotohanan ngunit nanindigan na hindi rin magtatagal ay llabas din ang mga katotohanan hinggil sa mga naturang anomalya.
Matatandaan naman na umugong ang pangalan ng senador matapos na madawit at banggitin ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang kaniyang pangalan maging ang iba pang kasamahan nito sa senado na sangkot umano sa anomalya ng flood control scandal.
Nagumpisa naman ito matapos na isiwalat ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo na siya mismo ang nag-deliver ng humigit kumulang P125 milyong halaga ng pera sa tahanan ni Revilla sa Bacoor, Cavite noong Disyembre ng nakaraang taon.
Samantala, nagpahayag naman ng kahandaang humarap si Revilla at nanindigan na hindi niya tatakbuhan ang mga ibinabatong alegasyon sa kaniya.
Aniya, hindi niya uurangan ang mga nagsabit sa kaniyang pangalan at inihayag na ang katotohanan ay nasa kaniyang panig kaya haharapin niya ang mga alegasyon na ito ng buong tapang at may paninindigan.
















