Maituturing na umanong useless ang natitirang miyembro ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), kahit ito ay isang retiradong mahistrado.
Ayon kay constitutional law expert Atty. Domingo Egon Cayosa, malaking kawalan ang mga nagbitiw na miyembro ng panel at maging ang dating imbestigador dito.
Giit niya, redundant ang ICI dahil inuulit lamang nito ang tungkulin ng Office of the Ombudsman na may mas malawak na kapangyarihan laban sa katiwalian.
Ipinaliwanag ni Cayosa na ang Ombudsman ay may mandato mula sa Konstitusyon at may kakayahang utusan ang lahat ng ahensya ng gobyerno, law enforcement, investigatory units, at Commission on Audit.
Dagdag pa niya, limitado lamang sa fact-finding at recommendatory powers ang ICI kaya’t hindi ito makatutugon nang epektibo sa mga anomalya sa flood control projects.
Naniniwala rin siya na mas makabubuti kung ang Sandiganbayan at iba pang korte ay magtakda ng sariling deadlines upang mapabilis ang pagresolba ng mga kasong korapsyon.
Binalaan ni Cayosa na ang pagtatatag ng mga espesyal na korte para sa mga proyektong imprastruktura ay maaaring magdulot ng bottleneck at lalong magpabagal sa proseso.
Sa huli, nanawagan siya na bantayan at obligahin ang Ombudsman na gampanan ang tungkulin nito bilang pangunahing institusyon laban sa katiwalian.
















