-- Advertisements --

Dismayado ang ilang mambabatas sa sunod-sunod na pagbibitiw ng mga opisyal ng lupon na nag-iimbestiga sa flood control scandal.

Para kay Sen. Kiko Pangilinan, bagama’t hindi pa tapos ang trabaho ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), para na rin umano itong “good as abolished” dahil sa sunod-sunod na pagbibitiw ng mga commissioner.

Ikinagulat naman ni House Deputy Minority Leader Leila de Lima ang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na mayroon na lamang isa hanggang dalawang buwan ang ICI bago tuluyang matapos ang operasyon nito.

Giit ni De Lima, sa ilalim ng Section 10 ng Executive Order 94, ang ICI ay magiging functus officio lamang kapag natapos na ang pakay kung bakit ito nabuo o kung nais na itong buwagin ng Pangulo.

Dagdag pa niya, dapat hayaan ang komisyon na patuloy na tumanggap ng ebidensya kahit nakapagrekomenda na ito ng mga kakasuhan sa Ombudsman o Department of Justice.

Nakasaad din sa EO 94 na tungkulin ng ICI na magbigay ng rekomendasyon sa mga ahensya ng gobyerno upang maiwasan ang pag-uulit ng flood control controversy.

Sa kabila ng mga pagbibitiw, naniniwala si De Lima na mahalaga pa rin ang papel ng ICI sa pagbibigay ng transparency at accountability sa malalaking proyekto ng pamahalaan.

Dahil dito, muling nanawagan siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahan ang agarang pagpasa ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) bill upang masiguro ang tuloy-tuloy na laban kontra katiwalian.