-- Advertisements --

Ipinaliwanag ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na hindi na kailangang pormal na i-anunsyo ang coordinates ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, dahil nakasaad na ito sa international law.

Ang coordinates ng EEZ ay mga latitude at longitude na nagtatakda ng hangganan ng dagat na kontrolado ng isang bansa para sa paggamit ng mga likas-yaman.

Ayon kay Carpio, ang karapatan ng isang coastal state sa continental shelf o bahagi ng dagat na malapit sa lupa, ay umiiral “ipso facto at ab initio” o agad sa simula pa lang may karapatan ang bansa sa karagatan sa paligid nito.

Paliwanag ni Carpio, ang territorial sea at continental shelf, kung saan kabilang ang EEZ at Extended Continental Shelf, ay natural na extension ng lupa, at binanggit ang UNCLOS Article 76 at 77 at ang 1969 North Sea Continental Shelf Cases bilang basehan.

Giit ni Carpio ang kailangang i-anunsyo lamang ay ang baselines ng archipelagic state, na nasunod na ng Pilipinas sa pamamagitan ng Republic Act 9522.

Ang pahayag ni Carpio ay kasunod ng debate nina Senator Kiko Pangilinan at Sen. Rodante Marcoleta tungkol sa West Philippine Sea, kung saan pinuna ni Marcoleta ang kakulangan ng malinaw na coordinates sa arbitral ruling at nagbigay ng babala sa mga pahayag tungkol sa tulong ng China sa Scarborough Shoal.

Binigyang-diin naman ni PCG spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela na maituturing na kataksilan ang pagtatanggol sa maritime claims ng China.