-- Advertisements --

Tiniyak ng House Committee on Justice na igagawad sa mga impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte ang patas na pagdinig tulad ng ibinigay ng komite sa mga impeachment complaint laban kay Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Baguio City Rep. Mauricio Domogan na nagsisilbi rin bilang vice chair ng Justice Committee, nangako ang mambabatas na dadaan din sa akmang proseso ang mga reklamo laban kay VP Sara, tulad ng mga prosesong pinagdaanan ng dalawang reklamo laban kay Pang. Marcos.

Bubusisiin din aniya ng komite ang lahat ng nilalaman ng mga reklamo laban kay VP Sara, mula sa grounds for impeachment, form, at mga supporting evidence na maaaring ipresenta ng mga mambabatas nag-sponsor sa mga naturang reklamo.

Sa kasalukuyan, tatlong complaint na ang inihain laban kay VP Sara.

Giit ni Rep. Domogan, kung makikitaan ng sapat na porma at substance ang mga naturang reklamo ay tiyak na uusad ito sa plenaryo upang pagdesisyunan.

Gayonpaman, kung wala aniyang makikitang bigat sa mga ito, tiyak na ibabasura rin ang mga naturang reklamo, tulad ng ginawa sa dalawang complaint na unang inihain laban kay Pang. Marcos.

Ayon pa sa House Justice Commmittee vice chair, makaka-asa rin ang supporter ng pangalawang pangulo ng bukas na pagdinig at pagbusisi sa merito ng mga reklamong kinakaharap ni VP Sara.

Tulad ng nangyari noong tinatalakay ang mga complaint laban kay PBBM, ilalabas aniya ang lahat ng pagdinig ng komite sa pamamagitan ng livestreaming at media, nang walang anumang tinatago.