Itinuring ng kampo ni Cassandra Ong na isang pampagulo ang alok ng Department of Justice (DOJ) na isang milyong pisong (P1M) pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon ukol sa kinaroroonan ni Ong.
Sa isang pahayag, sinabi ng legal counsel ni Ong na si Atty. Ferdinand Topacio na ang paglalaan ng pabuya ay bahagi lamang ng serye ng mga hakbang ng kasalukuyang administrasyon upang ilihis ang atensyon mula sa mainit na isyu ng flood control scandal.
Aniya, ang naturang iskandalo ay nagbabantang makasira sa Palasyo, kaya’t sunod-sunod ang ginagawang hakbang upang mapukaw ang atensyon ng publiko.
Binatikos din ng batikang abogado ang administrasyon dahil tuwing nadadawit ang pangalan ng pangulo at ng kaniyang mga kaanak sa mga sensitibong usapin, muling binubuhay ng pamahalaan ang ilang isyu upang matakpan ito.
Maalala ring kinansela ang pasaporte ni Ong dahil sa kinakaharap niyang kasong qualified human trafficking, kaugnay ng pagkakadawit niya sa operasyon ng isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) site sa Pampanga.
Batay sa ulat ng Presidential Anti-Organized Crime Commission, noong Oktubre 13 pa naglabas ng red notice ang International Criminal Police Organization (Interpol) laban kay Ong, kasunod ng naunang request ng gobyerno ng Pilipinas.















