Inihayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi awtomatikong isusuko ng gobyerno ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sakali man na mayroon talagang inisyung arrest warrant laban sa kaniya.
Ginawa ng Executive Secretary ang pahayag matapos hingan ng reaksiyon sa pagbubunyag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na mayroon nang inilabas ang ICC na arrest warrant laban sa Senador may kaugnayan sa war on drugs ng nakalipas na administrasyong Duterte kung saan nagsilbi siyang hepe ng pamabansang pulisya na nag-execute ng naturang kampaniya laban sa iligal na droga.
Ayon kay ES Bersamin, posibleng may inisyung arrest warrant ang international tribunal laban sa mambabatas subalit kailangan pa aniya itong mai-transmit sa pamamagitan ng International Criminal Police Organization (Interpol).
Ipinaliwanag pa ng Malacañang official na hindi na umano magagaya pa tulad nang nangyari kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang magiging proseso sa pag-aresto sa Senador sakali mang maging valid ang arrest warrant.
Ito ay dahil nag-isyu na aniya ang Korte Suprema ng bagong panuntunan hinggil sa extradition na nagmamandato para sa pagdinig muna ng kaso sa korte ng Pilipinas bago dalhin sa ibang bansa ang isang indibidwal na subject sa extradition.















