Sinampahan ng anonymous graft complaint sa Office of the Ombudsman si Health Secretary Ted Herbosa at dalawang opisyal ng Department of Health kaugnay ng umano’y paggamit ng P98 milyong pondo ng gobyerno para sa isang radio program na sinasabing nagsilbing plataporma para sa personal publicity.
Ang nagrereklamo, na nagpakilalang Alliance for Clean and Transparent Government (ACTGov) ay nagsampa ng administrative complaint laban kina Herbosa, Assistant Secretary Albert Domingo, at Director Tina Marasigan.
Ayon sa complainant, ginamit umano ng mga opisyal ang radio program para sa sariling kapakinabangan, sa halip na para sa health promotion lamang.
Kasama rin sa reklamo ang alegasyon ng conflict of interest, dahil ang asawa ni Director Marasigan ay executive ng kumpanyang nagbibigay ng content sa radio station.
Ayon sa mga nagrereklamo, nilabag umano ng mga opisyal ang batas sa pamamagitan ng pagsabay ng tungkulin bilang public officials habang umuupong anchor o host ng radio program na pinondohan ng kaban ng bayan.
Sa panig naman ng DOH, nilinaw ni ASec. Domingo na wala pa silang natatanggap na kopya ng reklamo at sinabing ang kanilang anchoring at hosting duties ay alinsunod sa mga patakaran ng gobyerno.
Minamaliit din niya ang reklamo at tinawag itong walang basehan.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Sec. Herbosa na legal at transparent ang paggamit ng media platforms ng DOH at sumusunod ito sa procurement laws at media ethics. Giit niya, ang layunin ng programa ay maihatid ang tamang impormasyon sa kalusugan ng publiko.
















