HINILING ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na maghanda ng independent medical report upang patunayan na wala na siyang pisikal o kognitibong kakayahan na tumakas o hadlangan ang hustisya.
Ayon sa mosyon na inihain noong Disyembre 19, iginiit ng depensa na ang kalusugan ni Duterte ay lumalala, batay sa ulat ng isang independent medical panel na naglarawan sa kanya bilang “matanda, marupok, at may hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang.”
Hinihiling ng depensa sa Pre-Trial Chamber na utusan ang Medical Panel na suriin kung ang kasalukuyang kognitibong kondisyon ni Duterte ay nagpapahintulot sa kanya na tumakas, takutin ang mga saksi, o gumawa ng krimen. Binanggit din ng depensa na hindi pa pinayagang lumahok si Duterte sa anumang status conference ng korte, na maaaring nakatulong sa mga hukom na masuri ang kanyang kondisyon.
Ang kahilingang ito ay isinampa sa kabila ng naunang pagtatasa ng independent medical panel na nagkonklusyon na, bagaman “mahina at matanda,” maayos pa ring makilahok si Duterte sa mga court proceedings kaugnay ng mga kasong crimes against humanity sa panahon ng kanyang war on drugs. (report by Bombo Jai)
















