-- Advertisements --

Humiling ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na maglabas ng isang independent medical report upang patunayan umano na wala siyang sapat na pisikal at kakayahan para tumakas, manakot ng mga testigo o makialam sa proseso ng hustisya.

Sa mosyong may petsang Disyembre 19 at pirmado ng lead defense counsel na si Nicholas Kaufman, iginiit ng depensa na patuloy na lumalala ang kalusugan ng dating Pangulo.

Binanggit dito ang mga ulat ng medical panel na itinalaga mismo ng ICC na nagsabing siya ay matanda na, mahina, at nakakaranas ng hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang, at hindi na umano kayang gampanan ang pang-araw-araw na gawain nang walang tulong.

Hiniling din ng depensa na agarang maglabas ng ulat ang medical panel na tutukoy kung may kakayahan pa si Duterte na magdulot ng panganib sa mga paglilitis, at magsagawa ng pagdinig para sa regular review ng kanyang pagkakakulong.

Kinuwestiyon din nila ang pagtanggi ng korte sa mga naunang kahilingan na humarap ang dating Pamgulo sa status conference.

Samantala, iginiit ng prosekusyon na fit pa rin si Duterte para humarap sa pre-trial proceedings, batay sa pagsusuri ng kaparehong panel ng mga eksperto na nagkaisang nagsabing bagama’t mahina at may edad na, taglay pa rin ni Duterte ang mga kapasidad para i-exercise ang kaniyang mga karapatan para sa patas na paglilitis.

Sa ngayon, siyam na buwan na ang dating Pangulo sa kustodiya ng ICC habang nakabibin ang pagdinig para sa pagkumpirma sa inaakusa laban sa kaniya na crimes against humanity kaugnay sa kanyang kampanya kontra iligal na droga.