BUTUAN CITY – Nilinaw ni Agusan del Sur 2nd District Representative Adolph Edward Plaza ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa listahan ng mga distrito na may malaking “allocables” na kumalat kamakailan sa social media.
Sa inilabas niyang video statement, inihayag ni Plaza na totoo ang nasabing impormasyon at ito ay isang malaking pakinabang para sa kanilang lalawigan, lalo na sa panahong nangangailangan pa ng dagdag na pondo para sa transportasyon, agrikultura, imprastraktura, at pagpapaunlad ng lokal na ekonomiya.
Binigyang-diin din niya na ang Agusan del Sur 2nd District ang may pinakamalawak na lupain sa buong Caraga Region, kaya mas malaki ang natanggap na budget allocation na umabot sa ₱2.8 bilyon.
Dagdag pa ni Plaza, marami sa kanyang mga nakausap ang natuwa sa nasabing alokasyon dahil mas maraming proyekto ang maipatutupad, kabilang ang pagpapabuti ng road system sa Distrito 1 at 2.
Ipinaliwanag niya na ang mga kumakalat sa social media na nagpapakita ng negatibong imahe laban sa distrito o sa kanyang pagkatao ay hindi makapipigil sa tunay na benepisyong makukuha mula sa pondong ito.
Dagdag pa ng kongresista, walang “wakwak” o ghost flood control project sa lalawigan, at lahat ng proyekto ay malinaw, lehitimo, at para sa tunay na kapakanan ng mamamayan ng Agusan del Sur.















