-- Advertisements --

Muling nanindigan ang Malakanyang na nananatiling hearsay at walang probative value  ang umano’y “Cabral files” na iniuugnay sa “Leviste list” hangga’t hindi pa ito napapatotohanan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa isang pahayag sinabi ni Castro na nirerespeto nito Sen. Panfilo Lacson, subalit ang tinutukoy nating ‘Cabral’s files’ ay hindi pa authenticated ng DPWH, kaya’t ito ay hearsay at walang bigat bilang ebidensya.

Binigyang-diin ni Castro na walang anumang pahayag mula sa Malacañang na kumukuwestiyon sa mga ebidensyang nakalap na sa pamamagitan ng mga pagdinig na isinagawa ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Lacson.

Dagdag pa ni Castro, patuloy ang administrasyon sa pangangalap ng ebidensiya upang mapanagot ang mga sangkot sa katiwalian.

Ipinunto ng Palace Official na dapat laging manaig ang rule of law at ang mga haka-haka at hindi beripikadonng ebidensiya ay walang puwang.

Muli ring iginiit ng Palace official ang malinaw na paninindigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na papanagutin ang lahat ng may sala.

Bilang pagtatapos, mariing itinanggi ni Castro ang anumang paratang na may tinatakpang anomalya ang Malacañang.