Nilinaw ng Malacañang na malayo pa sa pagtatapos ang imbestigasyon ng pamahalaan sa mga umano’y anomalya sa mga flood control project.
Ayon sa Palasyo, ang pagkakakulong ng mag-asawang kontratista na sina Sarah Discaya at Pacifico Discaya noong panahon ng Pasko ay simula pa lamang ng mas malawak na kampanya para papanagutin ang mga sangkot.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez na tuloy-tuloy ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paghabol ng pananagutan laban sa lahat ng indibidwal na may kinalaman sa mga iregularidad sa mga proyektong pang-imprastruktura.
Sinabi Gomez na hindi nagtatapos ang imbestigasyon sa flood control ngayong December 25.
Inihalintulad din ni Gomez ang kaso sa imbestigasyon laban kay Janet Lim-Napoles, na inabot ng halos isang taon bago may makulong.
Si Napoles ay inakusahan noon bilang utak ng pork barrel scam sa loob ng mahigit isang dekada, kung saan umano’y ginamit niya ang mga pekeng non-government organizations upang mailihis ang humigit-kumulang ₱10 bilyon mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas kapalit ng malalaking kickback.
Tungkol naman sa mga paghahambing sa mag-asawang Discaya at sa mga personalidad sa mga naunang iskandalo ng katiwalian, sinabi ni Gomez na mas malaki umano ang lawak ng hindi maipaliwanag na yaman ng mag-asawa.
Si Sarah Discaya ay inaresto noong Disyembre 18 kaugnay ng umano’y ₱96 milyong ghost flood control project sa Davao Occidental at kasalukuyang nakakulong sa Lapu-Lapu City Jail.
Samantala, ang kanyang asawa na si Pacifico Discaya ay nasa detensyon sa Senado matapos siyang ma-cite in contempt ng Senate Blue Ribbon Committee dahil sa umano’y hindi magkakatugmang testimonya.
















