-- Advertisements --

Walang naitalang mga banta at insidente ng pag-atake ang Philippine Army mula sa Communist Party of the Philippines (CPP) kasabay ng anibersaryo ng huli.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Phil. Army Spokesperson Colonel Louie Dema Ala, sinabi niyang sa kabila ng ceasfire declaration ng CPP ay nagbantay pa rin ang hukbo sa mga posibleng pag-atake nito, tulad ng laging ginagawa ng mga komunistang grupo sa mga nakalipas na taon.

Gayunpaman, wala naman aniyang naitalang pag-atake, bago, at sa mismong araw ng anibersaryo ng grupo (Dec. 26).

Lumalabas aniya na bagaman may manaka-nakang pag-atake na ginagawa ang komunistang grupo sa mga nakalipas na mga buwan, patuloy na ang pagbaba ng bilang ng mga rebelde at sa ngayon ay wala nang anumang aktibong front ang mga rebelde.

Sa kasalukuyan, pangunahing binabantayan ng Phil. Army ang ilang lugar sa Visayas na pinaniniwalaang pinagtataguan pa ng mga nalalabing rebelde.

Ayon pa rin kay Dema Ala, ang ilan sa mga ito ay posibleng nagtatago sa mga kabundukan ng Samar atbpang lugar sa Eastern Visayas (R08).

Sa kabila rin ng holiday, patuloy aniya ang ginagawa ng Phil. Army na pursuit operations laban sa mga rebelde sa Bicol Region na una nang nakasagupa ng mga sundalo noong December 23.

Sa naturang labanan, tatlong rebelde ang napatay na kinabibilangan ng tatlong matataas na lider ng Bicol Regional Party Committee.