Nagsasagawa na ang Philippine Army (PA) ng malalimang imbestigasyon ukol sa ginawa ni Army Col. Audie Mongao na pag-post ng kaniyang pagbawi ng suporta para sa administrasyong Marcos.
Ito ay kasunod ng pag-submit ng Army colonel sa kaniyang sarili sa Phil. Army, ilang oras matapos ang kaniyang kontrobersyal na social media post.
Ayon kay PA Training Command Commander Maj. Gen. Michael Logico, hindi simpleng pagkakamali ang ginawa ni Mongao at nais ng hukbo na matukoy ang lahat ng salik na naka-apekto sa kaniyang desisyon upang gawin ito.
Sa naging pag-uusap nina Logico at Mongao, inamin umano ng huli na siya mismo ang gumawa sa kontrobersyal na post.
Nalaman din umano ng 2-Star general na sa nakalipas na tatlong araw bago nito ay wala pang sapat na tulog ang colonel kaya’t pinayuhan siyang magpahinga muna habang gumugulong ang imbestigasyon.
Isinasailalim din si Mongao sa mandatoryong medical checkup at evaluation matapos bumalik sa PA.
Giit ni Col. Logico, ang ginawa ni Mongao ay isang seryosong paglihis sa military discipline na maingat at mahigpit na sinusunod ng mga sundalo, kaya’t kailangang mapag-ukulan ng pansin.
Ang tanging ‘mitigating factor’ lamang o bahagyang nagpapababa sa kaniyang pagkakasala, ayon sa heneral, ay ang kaniyang boluntaryong pagsumite sa kaniyang sarili sa ilalim ng military control at ang pakikipag-kooperasyon sa PA.
Sa ngayon, wala pang natukoy na sanction laban sa Army colonel dahil tatapusin pa aniya ng Armed Forces of the Philippines ang imbestigasyon sa ginawa ng opisyal.














