Tinanggihan ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang kahilingan ng Villar Land Holdings na palawigin ang deadline ng pagsusumite ng kanilang 2024 Annual Financial Statement (AFS) at 2025 First Quarter (Q1) Report, at ipinataw ang administrative fines na hindi bababa sa ₱12 milyon.
Humiling ang kumpanya na iurong ang deadline ng AFS mula Abril 15 at Q1 report mula Mayo 15 patungong Agosto 31.
Ayon sa Villar Land, ang kanilang auditor ay humiling ng karagdagang appraiser upang muling suriin ang halaga ng mga ari-arian ng kumpanya.
Ngunit iginiit ng SEC na hindi sapat ang dahilan upang bigyan ng extension, lalo na’t may epekto ito sa transparency at tiwala ng publiko sa merkado.
Noong nakaraang taon, umangat nang husto ang kita ng Villar Land matapos ang malaking revaluation ng kanilang mga investment properties. Mula sa ₱1.46 bilyon noong 2023, pumalo ang earnings ng kumpanya sa halos ₱1 trilyon, isang pagtaas na itinuturing na hindi karaniwan sa industriya.
Wala pang opisyal na pahayag mula sa Villar Land Holdings ukol sa desisyon ng SEC.
Kaugnay nito, binabantayan ng mga investor at analysts ang magiging epekto nito sa reputasyon at operasyon ng kompanya.