-- Advertisements --

Hindi naging masaya ang pagsalubong ng bagong taon para sa kompaniyang E-Value Phils. Inc., matapos nitong ihinto ang operasyon noong Disyembre 31, 2025 kasunod ng desisyon na huwag nang harangin ang utos ng Securities and Exchange Commission (SEC) na bawiin ang kanilang accreditation.

Batay sa ulat, natuklasan ng SEC na ang mga valuation report ng E-Value para sa Villar Land at mga subsidiary nito, na suportado ng negosyanteng si dating Senate President Manuel “Manny” Villar Jr., ay puno ng seryosong pagkukulang at hindi maaasahan.

Pinangunahan ni SEC Chairperson Francis Ed. Lim ang kanselasyon ng accreditation matapos ang onsite inspection na nagpakitang hindi tumalima ang kompaniya sa international valuation standards at kulang sa dokumentong sumusuporta sa mahahalagang palagay.

Ayon pa sa SEC, nabigo ang appraiser na bigyang-katwiran ang P1.33-trilyong pagtaas sa halaga ng mga ari-arian at lumabag sa mga pangunahing prinsipyo ng independence, professional competence, at objectivity.

Bukod dito, ipinataw ng komisyon ang pinakamataas na multang P1 milyon at iniutos ang panibagong appraisal para sa mga unit ng Villar Land.

Binalaan din ng SEC na ang maling datos na ginamit sa financial statements ay maaaring magdulot ng maling impormasyon sa mga mamumuhunan.