-- Advertisements --

Lumampas sa P1 trilyon ang Reserve Fund ng Social Security System (SSS) noong 2025, pinakamalakas na financial performance na naitala sa kasaysayan.

Ayon kay Finance Secretary at Social Security Commission Chair Frederick D. Go, umabot sa P142.97 bilyon ang net income ng SSS, habang lumaki ang kabuuang assets sa P1.26 trilyon.

Aniya, malinaw ang mensahe nito sa mga miyembro na ligtas ang kanilang pensyon at tuloy-tuloy ang mga benepisyo, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang benepisyo at pamamahala ng ahensya.

Paliwanag naman ni SSS President at CEO Jay de Claro na bunga ito ng mahigpit na fiscal discipline at reporma sa pamamahala ng pondo.

Noong 2025, nagpatupad ang SSS ng taunang dagdag-pensyon, kung saan 10% para sa retirement at disability, at 5% para sa survivor pensions hanggang 2027.

Umabot din sa P304.94 bilyon ang naipamahaging benepisyo sa 5.66 milyong miyembro at P61.11 bilyon sa mga pautang. Ibinaba rin ang interest rate sa ilang loan program mula 10% tungong 8% at pinalawak ang Pension Loan Program para sa survivor pensioners.