-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Energy (DOE) na nabigyan ng lahat ng pagkakataon ang S.I. Power Corporation (SIPCOR) sa Siquijor para maayos ang kanilang mga kinakaharap na reklamo.

Kasunod ito ng kautusan na pagpapasara sa kompaniya na isinapubliko nitong Biyernes lamang.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin sa panayam ng Bombo Radyo, ilang buwan na silang nakikipag-ugnayan sa SIPCOR ngunit binalewala ang mga direktibang ipinararating nila.

Buwan pa lang umano ng Mayo ay humarap na doon ang mga kinatawan ng iba’t-ibang tanggapan ng gobyerno, subalit nanatili ang mga aberya sa power supply ng isla.

Kaya naman, hindi umano masasabi ng kompaniya na ginipit sila o hindi nagkaroon ng due process.

Para kay Garin, nagpapatupad lang sila ng batas at lahat ay binibigyan ng kaukulang pagkakataon na gampanan sana ng tama ang kanilang mga obligasyon.

Inamin naman ng SIPCOR na pinag-aaralan pa nila ang susunod na hakbang sa ilalim ng batas.

Ang SIPCOR ay kabilang sa Prime Asset Ventures, Inc. (PAVI) na siyang parent entity at holding company ng Villar family business interests.