-- Advertisements --

Kinansela ng Department of Energy (DOE) ang 11,427 megawatts (MW) na power supply contracts na iginawad sa Solar Philippines Power Holdings Inc. para sa nakalipas na dalawang taon matapos mabigong tuparin ng kumpanya ang production commitments nito.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, ang mga kontrata na napanalunan ng kumpanya sa ilalim ng iba’t ibang Green Energy Auction Program (GEAP) ay natapos na noong Disyembre 2025.

Sa kabila aniya ng paulit-ulit na abiso ng ahensya, kabilang ang paglalabas ng show cause order at mga kahilingan na i-renew ang kanilang performance bonds, wala umanong natanggap na tugon mula sa kumpanya ang DOE.

Dahil dito ipinataw sa naturang kumpanya ang P24 billion penalties kabilang nariyan ang performance funds, pati na rin ang mga contractual obligations tulad ng inaasahang gastos sa proyekto, at iba pang financial obligations gaya ng training and development fund at iba pang nakasaad sa kontrata.

Nabatid na ang Solar Power Company ay pag-aari ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na umano’y nagbenta ng mahigit P22.59 billion shares sa Meralco.

Batay naman sa pinakahuling datos ng DOE, kinansela nito ang 93 power projects na may kabuuang 8,604.14 MW noong 2025 upang alisin ang mga natenggang proyekto at magbigay-daan sa mga bagong mamumuhunan.

Nauna rito, ang 70 kontrata na may 9,299.88 MW na kinansela noong 2024.

Tiniyak rin ni Garin na dumaan sa masusing due diligence ang lahat ng kanselasyon at layon nitong mapanatili ang bansa sa tamang landas patungo sa target renewable energy nito.

Upang maiwasan ang mga kahalintulad na problema sa hinaharap, nag-higpit ang DOE ukol sa mga patakaran nito pagdating sa aplikasyon, performance bond requirements, at mga probisyon sa kontrata.

Gumagawa rin ang ahensya ng bagong circular upang palakasin ang pagpapatupad ng mga obligasyon ng developer kaugnay ng project delivery, outage management, at regulatory compliance.

Sa kabila ng mga kanselasyon, nananatiling kumpiyansa ang DOE na maaabot pa rin ng bansa ang target nitong 35% renewable energy pagsapit ng 2030.