-- Advertisements --

Inanunsyo ng Department of Energy (DOE) na nabalik na ang kuryente sa 4 milyon mula sa 4.8 milyong kabahayan at negosyo na apektado ng mga bagyong Tino at Uwan.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, nagpapatuloy ang kanilang 24/7 power restoration efforts bilang tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ipinagmalaki pa ng DOE ang matagumpay na pag-repair ng mga critical energy infrastructure sa iba’t ibang rehiyon, kasama na ang mga planta ng kuryente tulad ng Sabangan Hydroelectric, GIFTC2 Biomass, at Morong Solar.

Sa Catanduanes, naibalik narin ang mga transmission lines tulad ng Virac-Codon at Virac-San Miguel. Marami ring mga pribadong electric companies sa Luzon at Visayas ang tapos na ang restoration, kabilang ang La Union Electric, Subic Enerzone, at Mactan Electric.

Kasama rin sa mga operational na ang mga ospital at mahahalagang pasilidad tulad ng mga pumping stations.

Target ngayon ng DOE na maibalik ang kuryente sa natitirang 800,000 na apektadong kabahayan at negosyo sa mga susunod na araw, na may mga target na petsa ng kumpletong restoration sa iba’t ibang lugar.