Kinumpirma ng Department of Justice na kanilang iniimbestigahan na si Senator Mark Villar ukol sa koneksyon nito sa kontratistang na-awardan ng mga proyekto sa Las Pinas.
Ayon mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, tinitingnan na rin ng kagawaran ang posibilidad na pagkakaugnay ng naturang senador.
Iniimbestigahan aniya ng Department of Justice si Sen. Mark Villar matapos makatanggap ng impormasyon na konektado ito sa contractor na may ‘conflict of interest’ umano.
Batay kasi sa impormasyong natanggap, pinsan o ‘first counsin’ raw ni Senador Villar ang kontratistang nakakuha ng mga proyekto para sa kanilang lugar na Las Pinas.
Ngunit binigyang diin ng kalihim na ito’y dadaan pa sa beripikasyon at ebalwasyon sapagkat hindi naman aniya ito direktang nanggaling sa kagawaran upang magamit bilang ebidensya.
Tinatayang aabot sa higit 18.5 Billion Pesos ang umano’y nakuhang mga infrastructure projects ng kontratistang inuugnay kay Senator Mark Villar.
Dagdag pa ni Justice Secretary Remulla, hindi lamang raw limitado kay Senador Mark Villar ang kanilang iniimbestigahan kundi kasama pati mga kaanak nito na sina Senator Camille at former Senator Cynthia Villar.
Ang ‘related interest’ aniya ang tinitingnan ng Department of Justice o ang first hanggang third degree of consanguinity.
Habang ibinahagi pa ni Justice Secretary Remulla na ang iniimbestigahang mga proyektong tinutukoy ay hindi lamang sa flood control kundi pati iba’t ibang klasi ng infrastructure projects.
Gayunpaman, iimbitahan ng kalihim si Senador Mark Villar upang magkaroon ng komunikasyon sa pagitan nila ng kagawaran.
Bukas ang tanggapan ng Bombo Radyo para sa pahayag o paliwanag na ibabahagi ng mga nabanggit na indibidwal ukol sa isyu.