-- Advertisements --

Malaki ang nagiging epekto ng patuloy na kurapsyon sa Pilipinas, lalo na sa mga U.S. investors na nais mamuhunan sa bansa.

Ayon kay Philippine Ambassador to US Jose Manuel Romualdez, kailangang maresolba na ang kurapsyon sa bansa dahil nagdadalawang-isip na ang mga foreign investors, partikular na ang mga mula sa Estados Unidos, kung mamumuhunan pa sa Pilipinas.

Dagdag pa niya, nais din ng mga ito na makita kung talagang maayos at epektibo ang sistema ng hustisya sa bansa.

Dagdag pa ng envoy, tinatayang bilyon-bilyong dolyar na halaga ng investment ang maaaring mawala dahil sa epekto ng kurapsyon.

Maaari rin umanong maapektuhan ang mga ipinangakong pamumuhunan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong bumisita ito sa Estados Unidos.

Una nang sinabi ng U.S. State Department na ang malaganap na kurapsyon sa Pilipinas ang pangunahing hadlang sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.

Samantala, batay sa datos, nasa ika-114 na pwesto ang Pilipinas mula sa 180 bansa sa isinagawang Corruption Perceptions Index ng Transparency International noong 2024.

Nanatili ang ranggo ng bansa mula pa noong 2019.