CAGAYAN DE ORO CITY – Pinag-iingat ngayon ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang publiko laban sa panibagong investment scheme na umano’y gumagamit ng sisiw sa kanilang panloloko.

Sa kanilang ipinalabas na public advisory, tinukoy nito ang Boilerpreneur Corporation na sinasabing konektado rin sa bogus investment company na Broiler Entrepreneurship Agriventures Incorporated at Super Livestock Holdings Inc.

Ayon sa SEC, hinihikayat ng nasabing kompanya ang kanilang mga magiging biktima na mag-invest ng mga sisiw na nagkakahalaga ng P1,000 at ipinangako ang 100% return of investment.

Iginiit ng ahensiya na kahit rehistrado sa kanila ang naturang korporasyon subalit hindi sila otorisadong mag-offer, solicit, magbenta, at mag-distribute ng kahit anong investment o securities sa publiko.