Hindi nakasali sa Summer League roster ng Sacramento Kings ang Filipino 2-way player na si Kevin Quiambao.
Unang napaulat na magiging bahagi ng lineup ang 6-foot-6 forward ngunit sa inilabas na Summer League roster ng Kings, wala ang pangalan ni Quiambao.
Sa halip ay mas pinili ng koponan na maging bahagi ng team ang mga 2025 NBA Draft selection na sina Nique Clifford at Maxime Raynaud.
Bahagi rin ng roster ang sophomer na si Devin Carter, at 2025 G League champion na sina Isaac Jones at Isaiah Crawford.
Kamakailan ay pumirma si Quiambao ng contract extension kasama ang Goyang Sono Skygunners sa ilalim ng Korean Basketball League.
Sa kaniyang paglalaro sa KBL, nagawa niyang magposte ng 16.9 points per game, 6.3 rebounds, at 3.9 assists per game. Nagagawa rin niyang magbulsa ng 1.3 steals per game.
Samantala, inaasahan namang magiging bahagi ng Gilas Pilipinas roster ang bagitong forward para sa kampaniya ng national team para sa 2025 FIBA Asia Cup. Magsisimula ang naturang kampaniya sa buwan ng Agusto 2025.
Maalalang bahagi ng coaching staff ng Sacramento ang Philippine Basketball Association legend na si Jimmy Alapag na kasalukuyang nagsisilbi bilang assistant coach ng koponan.