Inaprubahan na ng mga miyembro ng Senado at Kamara sa Bicameral Conference Committee (Bicam) noong Sabado ang P961.3 billion pondo ng Department of Education (DepEd) para sa 2026 national budget.
Sa unang araw ng Bicam hearing na live-streamed, inaprubahan ng mga mambabatas ang P86.8-billion na dagdag sa budget ng DepEd.
Ayon kay House Appropriations Committee Chairperson at Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Suansing, ang kabuuang pagtaas ng budget ay mula sa P874.5 billion sa National Expenditure Program (NEP).
Paliwanag ni Suansing, ang P57.3 billon ay nakalaan para sa basic education facilities program, na magbibigay daan para sa pagtatayo ng 35,000 classrooms sa 2026.
Inanunsyo rin niya na ang P8.3 billion na dagdag para sa textbooks at instructional materials, ay mula sa NEP na P11.1 bilyon, kaya’t magiging P19.5 billion ang pondo para sa mga aklat at mga kagamitan sa paaralan.
Ang dagdag na pondo ay makakatulong upang mapunuan ang kakulangan ng mga aklat at iba pang gamit sa mga paaralan.
Para naman sa school-based feeding program, itataas ang pondo mula sa P11.7 billion papunta sa P13.9 billion, na magbibigay-daan upang madagdagan ang bilang ng mga araw ng feeding program mula 120 days patungong 180 days.
Ayon pa kay Suansing, ang edukasyon ay kailangang bigyan ng pinakamataas na prayoridad sa badyet alinsunod narin sa Saligang Batas.
Sa bersyon ng Kamara, ang education sector, na kinabibilangan ng DepEd, mga state universities at colleges (SUCs), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ay may kabuuang P1.28 trillion na alokasyon sa 2026 national budget.
Habang ang bersyon ng Senado ay bahagyang mas mataas sa P1.37 trillion.
















