Naganunsyo na ng kanyang pagreretiro sa mundo ng boxing ang undefeated world super middleweight champion na si Terence Crawford.
Sa pamamagitan ng isang video sa internet, inanunsyo ng 38-anyos na Nebraskan boxer ang kanyang pagreretiro, tatlong buwan matapos ang kanyang panalo laban sa Mexican legend na si Saul “Canelo” Alvarez, kung saan dinomina ni Crawford ang kanilang laban.
Ayon sa video, sinabi ni Crawford na magreretiro siya dahil nais niyang tapusin ang kanyang karera sa paraang gusto niya.
“I’m stepping away from competition, not because I’m done fighting, but because I’ve won a different type of battle… The one where you walk away on your own terms,” ani Crawford.
Sa kanyang pagreretiro, may rekord si Crawford na 42-0, 31 knockouts, kung saan hawak niya ang mga titulo sa WBA, IBF, at WBO super middleweight matapos talunin si Alvarez sa pamamagitan ng unanimous decision.
Ang karera ni Crawford ay umabot sa tatlong dekada, simula nang mag-debut siya bilang propesyonal noong 2008. Nakuha naman niya ang kanyang unang kampeonato noong 2014 nang talunin ang boksingerong si Ricky Burns ng Scotland upang masungkit ang WBO lightweight title.
Sa kabuuan, magreretiro si Crawford na nagwagi ng 18 world titles at kailanman ay hindi na-knockdown sa alinmang laban. Samantala, lahat ng kanyang 42 panalo ay nagmula sa unanimous decision o stoppage, at sa buong karera niya, wala ni isang hurado ang nagbigay ng puntos na pabor sa kanyang mga kalaban.
















