-- Advertisements --

Isinulat ni Terence Crawford ang bagong kasaysayan sa mundo ng boxing matapos niyang talunin si Canelo Alvarez via unanimous decision para masungkit ang super middleweight title, sa harap ng record-breaking na 70,482 na manonood sa Allegiant Stadium.

Si Crawford (42-0, 31 KOs) ang kauna-unahang lalaking boksingero na nakamit ang tatlong unified titles sa magkaibang weight divisions, isang tagumpay na kinilala ng dalawang hurado sa iskor na 115-113, at isa pang hurado sa 116-112.

Emosyonal na lumuhod at napaiyak si Crawford bago pa man ideklarang panalo.

Bagama’t nakalaban niya ang Mexican boxing icon sa harap ng karamihang tagasuporta ni Canelo, nakakuha si Crawford ng respeto sa venue habang nagsimula nang marinig ang mga sigaw ng “Crawford! Crawford!” sa mga huling rounds.

Ito ang naging unang talo ni Canelo (63-3-2, 39 KOs) mula nang matalo siya kay Dmitrii Bivol noong Mayo 2022.

Ang laban ay isinagawa sa Allegiant Stadium, kauna-unahang boxing match sa lugar, na bumasag sa dating record ng attendance sa Las Vegas na 29,214 (Holmes vs. Cooney, 1982).

Ito rin ang pinakamalaking crowd para sa anumang sporting event sa stadium, lampas sa 63,969 noong 2024 college football season opener.