Tiniyak ni Leyte First District Representative Martin Romualdez na isusulong nito na maisama sa legislative agenda ng Kamara ang mga panukala na magtataguyod sa pambansang layunin na makamit ang upper-middle income status ng bansa bago matapos ang taon o sa 2026.
Kaisa si Romualdez sa pahayag ni Finance Secretary Ralph Recto na posibleng maabot ng bansa ang UMIC status sa nabanggit na target base sa datos mula sa World Bank at sa economic performance.
Isusulong umano nito ang legislative priorities na makatutulong na mapanatili ang momentum.
Binigyang-diin ng dating Speaker na ang layunin ay magkaroon ng policy environment na sumusuporta sa paglikha ng trabaho, pagtaas ng kita at pagtitiyak na ramdam ang economic gains sa lahat ng sektor ng lipunan.
Paliwanag ng Kongresista na dapat tumutok ang 20th Congress sa mga panukala na magtataguyod ng inclusive growth, magpapabuti sa public services at susuporta sa investments sa imprastraktura, digitalization at human capital development.
Binigyang-diin ni Romualdez, mahalaga aniya ang legislative priorities na magpapalakas sa food security, access sa abot-kayang healthcare at edukasyon at magpapalawak sa infrastructure development sa pamamagitan ng Build Better More program.
Pangako ng mambabatas, makikipagtulungan siya sa mga kaalyado sa Kamara upang masigurong bawat batas na ipapasa ay maglalapit sa bansa sa ekonomiyang para sa lahat ng Pilipino.
Batay sa pinakabagong classification ng World Bank, nananatili ang Pilipinas sa lower-middle income category na may gross national income per capita na 4,470 US Dollars noong nakaraang taon.