Nakikitaan ng Department of Agriculture (DA) ng sinyales ng paglago ang ang sektor ng pagsasaka sa Pilipinas kasunod ng mga serye ng kalamidad, krisis, at mga outbreak ng sakit sa mga hayop.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nagsisimula nang magbunga ang mga intervention at repormang ginagawa ng pamahalaan bilang tugon sa epekto ng mga naturang problema.
Nasa tamang direksyon aniya ang sektor ng pagsasaka sa bansa; halimbawa rito ang mga record-high na volume ng mga naaanig produkto mula sa iba’t-ibang industriya.
Inisa-isa ng kalihim ang aniya’y labis na nagpahirap sa sektor ng pagsasaka nitong nakalipas na taon tulad ng mahaba-habang tag-tuyot, magkakasunod na supertyphoon, volcanic activity, at ang muling paglobo ng kaso ng African swine fever.
Ang mga ito aniya ay naging pahirap sa halos lahat ng rehiyon sa buong Pilipinas, at nagdulot ng pagbaba ng lokal na supply ng pagkain.
Gayonpaman, sa pamamagitan ng government intervention, lumalago na aniya ang sektor ng pagsasaka kung saan ngayong taon ay inaasahang makaka-ani na ang bansa ng mahigit 20.46 million metric ton ng palay, ang pinakamataas na produksyon sa kasaysayan ng bansa.
Inaasahan ding makakapag-ani ang Pilipinas ng pinakamataas na sugar output ngayong taon, habang sa corn industry ay nairehistro na ang paglago ng hanggang 2.2 percent.
Kampante ang agriculture secretary na kung magpapatuloy lamang ang mga reporma at intervention na ginagawa ng kasalukuyang administrasyon ay magtutuloy-tuloy nang makabangon ang sektor ng pagsasaka.