Sinuspinde na ang dalawang kadete ng Philippine Military Academy (PMA) matapos masangkot sa umano’y hazing incident ang apat na kadete, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, isa sa apat na sangkot ay naabsuwelto na, dalawa ang sinuspinde, at isa naman ang binigyan ng ”punishment” bilang bahagi ng chain of command.
Batay sa imbestigasyon ng Baguio City Police, ang biktima ay nakaranas umano ng paulit-ulit na physical abuse at humiliation mula Setyembre 2 hanggang 29, 2024.
Tinawag ng complainant ang pang-aabuso bilang “animalistic tripping,” na kinabibilangan ng pananapak at labis na physical training.
Dahil dito naospital ang kadete matapos halos mawalan ng malay dahil sa isang malakas na suntok at na-discharge noong Hunyo 30, 2025.
Ayon naman sa PMA, hindi itinuturing na hazing ang nangyaring insidente alinsunod sa Anti-Hazing Act dahil hindi aniya ito bahagi ng initiation process, kundi paglalabas umano ng sama ng loob ng mga kaklase sa performance ng biktima.
Samantala, naghihintay pa ang PMA ng kopya ng pormal na reklamo at ulat ng pulisya.