Kinilala ng Baguio City Police ang apat na kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na sangkot umano sa isang kaso ng hazing na naganap sa loob ng academy.
Ayon sa ulat nitong Linggo, dalawa sa mga suspek ay 4th Class cadets, habang ang dalawa pa ay mula sa 1st Class at 2nd Class.
Batay sa imbestigasyon, ang biktima—isang 4th Class cadet na umano’y nakaranas ng “physical abuse at humiliation” mula Setyembre 2 hanggang Setyembre 29, 2024.
Inilarawan pa ng pulisya ang mga insidente bilang hindi iisang pangyayari kundi paulit-ulit na ginawa sa loob ng barracks, kabilang ang suntok at labis na parusa, na naging sanhi ng pag-collapse ng biktima dahil sa sobrang pagod.
Noong Setyembre 29, nanng nakaraan na taon, matapos umano tumanggap ng malalakas na suntok ang biktima, muntik na umanong mawalan ng malay ang kadete na agad namang dinala sa isang ospital sa Quezon City para sa medical at psychological treatment.
Nabatid din na nailipat siya sa PMA Station Hospital at na-discharge din noong Hunyo 30, 2025.
Humingi pa ng pahayag ang Bombo Radyo Philippine mula sa AFP at PMA kaugnay ng insidente, ngunit wala pa silang naging tugon sa ngayon.