Nanindigan ang Department of Interior and Local Government (DILG) na hindi bibigyan ng special treatment si dating Negros Oriental Representative Arnulfo Teves Jr.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, hindi rin bibigyan ng hospital arrest ang dating mambabatas.
Una nang sumailalim sa matagumpay na medical operation sa Philippine General Hospital (PGH)ang nakakulong na mambabatas at kinalaunan ay tuluyan ding pinayagang makalabas sa ospital matapos ang ilang araw na pananatili rito.
Giit ni Remulla, hindi bibigyan ng anumang special treatment ang dating mambabatas habang nasa loob ng piitan.
Sa halip aniya, ituturing din siya bilang isang karaniwang Person Deprived of Liberty (PDL). Kung paano ang pagtrato sa mga PDL na kaniyang nadatnan sa loob ng kulungan, ayon sa kalihim, kaparehong treatment din ang ibibigay sa kaniya.
Sa kabila nito, pinapasiguro ng kalihim sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na may nakalatag na mahigpit na seguridad sa mga kulungan.
Una nang hiniling ng kampo ng dating kongresista sa korte na ipagpaliban muna ang arraignment sa isa sa mga murder case nito na dating nakatakda habang siya ay nasa loob ng pagamutan.
Tuluyan din inilipat ang schedule sa July 14, 2025.