Isinusulong ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan ang pagtatatag ng isang libreng online-based tele-counseling program para sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan upang palakasin ang mental health support at labanan ang bullying.
Inihain in Yamsuan ang panukalang School Tele-counseling Act o House Bill 5240.
Ayon kay Yamsuan, layunin ng panukala na tugunan ang matinding kakulangan ng guidance counselors at mental health professionals sa mga paaralan sa pamamagitan ng paggamit ng isang ligtas at pribadong digital platform.
Sinabi ng Kongresista sa ilalim ng programa, maaaring makakuha ang mga estudyante ng indibidwal na teleconsultation, group counseling, psychological first aid, at referral sa mga espesyalistang pasilidad kung kinakailangan.
Naniniwala si Yamsuan na mas magiging komportable ang maraming estudyante na magbahagi ng kanilang karanasan sa bullying at mga mental health problems kung online ang paraan ng konsultasyon.
Makakatulong din umano ang programa sa mas maayos na pag-uulat at pagmamanman ng mga kaso ng bullying at mental health concerns sa mga pampublikong paaralan.
Sinabi rin ni Yamsuan na ang panukala ay magsisilbing dagdag-lakas sa Kaagapay Program ng Department of Education (DepEd), na naglalayong palakasin ang mental health ng mga mag-aaral at maiwasan ang bullying sa tulong ng mga magulang at tagapag-alaga bilang “co-educators.”
Batay sa datos ng EDCOM 2 at PISA, nananatiling mataas ang insidente ng bullying sa bansa, kung saan malaking porsiyento ng mga Pilipinong mag-aaral ang nakaranas ng pambu-bully sa paaralan.
Aniya, ang HB 5240 ay isang mahalagang hakbang upang matugunan ang problemang ito.
Sa ilalim ng panukala, ang mga mental health professional na lalahok sa programa ay bibigyan ng continuing professional development (CPD) credits at buwanang honorarium.
Ang Department of Health, katuwang ang DepEd, CHED, DICT at DBM, ang DBM, ang mangunguna sa pagpapatupad ng programa.










