Kinumpirma ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Ricardo Bernabe III na walang mga sensitibong dokumento ang nawala sa nangyaring sunog sa DPWH-CAR office noong Enero 14.
Ito ay matapos tanungin ni Senator Risa Hontiveros sa pagdinig sa multi-billion peso flood control anomaly nitong Lunes, Enero 19 ang hinggil sa mga file na nasunog at posibleng dahilan sa likod ng insidente.
Natanong ito ng Senadora matapos na sabihin ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na may mga sensitibong dokumento ang nawala sa sunog, na nagsimula umano sa may record section ng tanggapan.
Nagbunsod din ito para tanungin ni Sen. Hontiveros kung ang nangyaring sunog ba ay isang arson o sinunog ang mismong mga record?
Saad naman ng DPWH official na ayaw nilang mag-speculate dahil nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection sa insidente.
Bagamat base sa kanilang final report, wala pang dahilan ng sunog subalit mayroon aniya silang listahan ng lahat ng mga apektadong dokumento at lumalabas na walang sensitibong dokumento na nadamay.
Lahat aniya ng nawala sa sunog ay “old files” na at mayroon silang listahan at kopiya ng lahat ng dokumento.
Matatandaan, nauna nang kinumpirma ng Baguio BFP na sumiklab ang sunog sa Financial Management Records Room ng tanggapan.
















