-- Advertisements --

Inusisa sa Senate Blue Ribbon Committee hearing si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste, na humarap bilang resource person, kung paano niya nakuha ang kontrobersiyal na “Cabral files.”

Muling ipinaliwanag ng mambabatas na may basbas ni DPWH Sec. Vince Dizon ang pagkuha niya ng Cabral files dahil ito ay public documents.

Kinumpirma ni Leviste na binigyan siya ng hard at soft copy ng files.

Iginiit ni Leviste na ang soft copy ay ibinigay sa kaniya sa pamamagitan ng pag-transfer sa kaniyang USB mula sa planning services office computer habang present noon si dating DPWH USec. Catalina Cabral.

Nang tanungin naman ni Senator Bam Aquino ang panig ng DPWH officials hinggil sa pag-authenticate ng files na hawak ni Leviste, sinabi ni DPWH USec. Ricardo Bernabe III na sinelyuhan na ang computer para manatiling intact at hindi matamper kung saan noong December 2025 pinasubpoena ito kayat tinurnover ito sa Ombudsman. Tinanong ni Sen. Aquino ang DPWH kung tanging ang Ombudsman ang maaaring magberipika sa files dahil nasa kustodiya nito ang computer, bagay na sinang-ayunan naman ng DPWH official.

Tinukoy din ni Leviste ang dalawang grupo pa na may hawak ng kaparehong soft copy ng Cabral files kabilang na ang opisina ng chairman ng komite na si Senator Panfilo “Ping” Lacson na ibinigay umano ng abogado ni Cabral.

Ito ang kauna-unahang pagdalo ni Leviste sa flood control hearing ng Senado ilang linggo matapos ang kanyang mga pahayag ukol sa “Cabral Files.”

Nagpasalamat naman si Sen. Lacson sa pagdalo ni Leviste. Isa nga sa naging sentro ng ikawalong pagdinig ng komite ang pagsuri sa mga dokumento na iniwan ni yumaong dating Undersecretary Catalina Cabral, na diumano’y naglalaman ng pangalan ng mga opisyal at mambabatas na may budget insertions sa ilang proyekto sa National Expenditure Program.