Umigting pa ang kampanya laban sa katiwalian sa gobyerno matapos ihain ngayong umaga ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang unang batch ng mga kasong kriminal sa Office of the Ombudsman. Target ng mga kaso ang ilang opisyal ng DPWH at mga contractor na umano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kabilang sa mga isasailalim sa imbestigasyon ay mga tauhan ng Bulacan 1st District Engineering Office, kabilang si dating district engineer Henry Alcantara at si Brice Hernandez, na kasalukuyang nakakulong sa Pasay City Jail matapos patawan ng contempt order ng Senate Blue Ribbon Committee. Kasama rin sa mga sasampahan ng kaso ang mga contractor tulad ng Wawao Builders, Syms Construction Trading, at St. Timothy Construction Corporation, na pagmamay-ari ng magasawang Curlee at Sarah Discaya.
Ayon kay Dizon, ang mga kasong isinampa ay non-bailable at may kaugnayan sa mga ghost projects, substandard na konstruksyon, at sabwatan sa bidding process. “Ito ang unang hakbang sa mas malawak na paglilinis sa DPWH. Hindi tayo titigil hangga’t hindi napapanagot ang mga sangkot,” ani Dizon sa isang press briefing.
Isa sa mga tinukoy na kaso ay ang tatlong flood control projects sa Oriental Mindoro na pinondohan sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act. Sa kabila ng milyong pisong pondo, walang aktwal na istruktura ang naipatayo sa mga ilog ng Panggalan, Tubig, at Catuiran.
Humiling na rin si Dizon ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban kay dating Undersecretary Roberto Bernardo, na umano’y may kaugnayan sa mga kuwestiyonableng proyekto. Layunin nitong pigilan ang posibleng pag-alis ni Bernardo sa bansa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.