Muling binigyang-diin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon ang kahalagahan ng isang independent investigation kaugnay ng mga isyu sa flood control projects ng ahensya.
Sa gitna ng mga alegasyon ng anomalya at maling alokasyon ng pondo, iginiit ni Dizon na mas makabubuting isailalim sa masusing pagsusuri ng isang panlabas at walang kinikilingang grupo ang mga proyekto upang maibalik ang tiwala ng publiko.
Sa pagdinig, itinuloy ni Rep. Edgar Erice ang pagtatanong hinggil sa status ng internal investigation na sinimulan ng DPWH bago pa man ang panawagan para sa independent probe.
Ayon sa kanya, mahalagang malaman kung ano na ang naging resulta ng nasabing imbestigasyon at kung may mga opisyal o proyekto nang napatunayang may pagkukulang.
Bukod dito, inusisa rin ni Erice kung ano ang uunahin ng DPWH sa gitna ng lumalabas na pangangailangang i-overhaul ang panukalang pondo para sa flood control.
Lumitaw kasi sa pagsusuri na may mga proyekto pa ring napondohan sa ilalim ng bagong budget proposal kahit matagal nang natapos ang mga ito, bagay na nagdudulot ng pangamba sa posibleng double funding at hindi epektibong paggamit ng pondo.