-- Advertisements --

Iginagalang ni Executive Secretary Ralph Recto, ang karapatan ng sinumang mamamayan na dumulog sa korte kaugnay ng isinampang reklamo laban sa kanya hinggil sa paglilipat ng P60 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa National Treasury.

Pahayag ito ni Recto matapos magsampa ng kaso ang grupong Save the Philippines Coalition na humihiling ng imbestigasyon sa umano’y technical malversation, plunder, at grave misconduct kaugnay ng nasabing fund transfer.

Ayon kay Recto, handa siyang makipagtulungan sa Office of the Ombudsman sa isasagawang preliminary investigation at linawin ang mga isyung ibinabato laban sa kanya sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General.

Iginiit ni Recto na hindi sya magpapaapekto sa tinawag nyang political noise at mananatiling nakatuon sa kanyang tungkulin na pagbutihin ang performance at serbisyo ng pamahalaan, habang ang usaping legal ay ipauubaya na nya sa kanyang mga abogado.

Sa nasabing reklamo, kasama rin sa mga kinasuhan ang dating PhilHealth president at chief executive officer na si Emmanuel R. Ledesma Jr., kaugnay ng parehong usapin sa paggamit at paglilipat ng reserve funds ng ahensya.