Iginiit ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno na kinakailangang magsagawa ng masusing imbestigasyon ang Kongreso kaugnay ng pagkamatay ni dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral, kasabay ng mga isyung bumabalot sa mga anomalya sa infra at flood control projects.
Sinabi ni Diokno na lumalabas sa mga naunang imbestigasyon na may malalim na kaalaman si Cabral hindi lamang sa mga proyekto kundi maging sa mga kontratista at umano’y mga indibidwal na nasa likod ng mga anomalya.
Binigyang-diin ng mambabatas na hindi dapat mabaon ang impormasyong ito kasabay ng paglilibing kay Cabral.
Ayon sa kanya, mahalagang matukoy hindi lamang ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng dating opisyal kundi pati ang mga impormasyong maaari pang mabunyag mula sa isasagawang imbestigasyon ng Kongreso.
Tinutukan din umano ng mga mambabatas ang mabagal na aksyon ng pamahalaan, kabilang ang usapin sa mga ari-arian at ebidensyang hawak ni Cabral, gayundin ang mismong proseso ng pag-iimbestiga sa kanyang pagkamatay.
Dagdag pa ni Diokno, muling isinusulong ang panawagan para sa pagkakaroon ng death investigation at autopsy law upang matiyak ang malinaw at independiyenteng pagsusuri sa mga kahina-hinalang pagkamatay.










